IBOTO ANG NARARAPAT, PUMILI NG TAPAT. SA PLATAPORMA NG MGA KANDIDATO, NANGUNGUNA DAPAT ANG KARAPATAN KO.
Bilang isang organisasyon na nagsusulong ng karapatang pantao para sa lahat saanman at sa anumang pagkakataon, ang Amnesty International Philippines ay kumikilos ngayong eleksyon upang magbigay-diin sa kakayanan ng bawat indibidwal na magsulong ng mga pagbabago mula sa kanyang sarili patungo sa pagbabago ng lipunan batay sa karapatang pantao.
Ngayong eleksyon, mahalangang maipagtibay ang kaugnayan ng karanasan ng bawat indibidwal sa pagtamasa niya ng mga karapatang dapat ay pinapangalagaan ng pamahalaan. Ang patuloy na pangangalaga ng mga karapatang pantao ay nakasalalay sa masusing pagtingin ng isang indibidwal sa mga platapormang inilalatag ng mga kandidato. Magandang alamin kung ang mga ito ay may pagpapahalaga sa sa kapakanan natin bilang mga Pilipino.
Ang ‘Sagot Mo Ba Ako? Project’ ng Amnesty International Philippines ay naglalayong bigyang puwang at halaga ang mga usapin sa pang-araw-araw na pamumuhay ng karaniwang mamamayan bilang mga lehitimong karanasan na tumatalakay sa mga karapatang pantao na siyang dapat na binibigyang prayoridad ng mga maluluklok sa pwesto.
Gayunpaman, kinikilala din ng SMBA na mula sa mga personal na karanasang ito, hinihirang ng mga Pilipino ang lider na hindi lamang maghahatid sa kanya ng mas maayos na pamumuhay ngunit magbibigay din sa bansa ng mas malawak na oportunidad upang mapaunlad ang buhay ng bawat Pilipino sa lahat ng aspeto sa lipunang ginagalawan nito, ng walang bahid ng korapsyon, kasinungalingan o kabalintunaan.
Ang ‘Sagot Mo Ba Ako?’ ay tungkol sa mga lehitimong karanasan na tumatalakay sa mga karapatang pantao na siyang dapat na binibigyang prayoridad ng mga maluluklok sa pwesto.
SMBA NOON AT NGAYON
Taong 2010 nang unang inilunsad ang Sagot Mo Ba Ako? bilang tugon ng Amnesty International Philippines sa mga usapin sa halalan na may layunin na (1) makaambag sa proseso ng masusing pagpili ng mga botante sa mga kandidatong tingin niya ay maninindigan at ipaglalaban ang kanyang mga karapatang pantao, at (2) makatulong sa pagpapasigla ng mga pagkilos para sa mga ito.
Sa panunungkulan ng dating Pangulong Benigno Aquino III, naglabas ang Amnesty International ng ‘Make Rights A Priority’ Human Rights Legislative Agenda.
Sa unang taon ng kanyang termino, binigyan ng Amnesty International Philippines ng grado si PNoy batay sa limang agenda na sinabi niyang “SAGOT NYA” sa umpisa ng kampanya. Sa report na Progress, Stagnation, Regression? The State of Human Rights in the Philippines under Aquino, nakadetalye ang pagkadismaya sa kanyang unang taon ng panunungkulan.
Sa panahon din ni PNoy inilabas ng Amnesty International ang report nito tungkol sa paggamit ng torture sa PNP.
Napakalaki sana ng opoturnidad ng administrasyong Aquino na gawing prayoridad ang pagpapatibay sa karapatang pantao bilang pundasyon ng good governance. Sa kalakhan, nabigo ang kanyang administrasyon na palakasin ang mga ahensya at sistemang nagpananagot sa paglabag ng karapatang pantao. Nabigo din ito sa patataguyod ng mga karapatan ng mga mahihirap at mga marginalized – bagay na mariing ipinangako ng kampo ni Aquino noong siya’y tumatakbo pa lang.
2016 nang muling nanumbalik ang SMBA para sa halalan kung saan ang ang dala-dalang mensahe ay patungkol sa obligasyon ng mga manunungkulan.
Kadalasang hindi agad nakikitang magkakaugnay ang pang-araw-araw na isyu ng bawat Pilipino sa mas malawak na usapin tungkol sa karapatang pantao at pamamahala ng gobyerno, at ito ay sinasamantala ng mga nanunungkulan.
Ang mga usapin katulad ng kahirapan, pabahay, edukasyon, kalusugan, trabaho, pag-unlad, seguridad, kalikasan at hustisyang panlipunan ay makikita natin sa mga karaniwang bagay o pangyayari, halimbawa sa maayos na pagkain, disenteng pamamahay, malinis na tubig o kakayahang makakuha ng mga batayang pangangailangan. Pilit na isinisisi sa kawalan ng disiplina ng mga Pilipino ang mga ito, kahit na ito ay mga sitwasyon na naguugat sa maling pamamahala ng mga duty-bearers na siyang dapat na nagbabantay at natitiyak na makakamit ng mga Pilipino ang karapatang pantao para sa lahat.
Para sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, naging hamon ang pagtaguyod sa kanyang obligasyon na igalang, pangalagaan at tupdin ang lahat ng karapatang pantao. Ngunit umpisa pa lamang ng kampanya, si Duterte lamang ang kandidatong hindi nagbigay ng kanyang human rights agenda at hindi tumugon sa tanong kung ‘Sagot Mo Ba Ako?’ . Tila signus ng kanyang madugong panunungkulan.
Noong Halalan 2016, si Pangulong Duterte lamang ang kandidatong hindi nagbigay ng kanyang human rights agenda at hindi tumugon sa tanong kung ‘Sagot Mo Ba Ako?’
Sa kanyang panunungkulan, naglabas ang Amnesty International Philippines ng report tungkol sa War on Drugs, digmaan sa Marawi at pagmimina sa Dinagat Islands. Ang Legislative Human Rights Agenda na inilunsad noong 2015 para sa kasalukuyang kongreso ay patuloy na naisasantabi.
Hindi rin maikakaila na tahasan namang nilabag ng administrasyong Duterte ang mga karapatan ng tinatayang mahigit na dalawampung libong katao na pinatay o napatay sa ilalaim ng polisiya nito sa ‘War on Drugs’. Nanatili ding isa sa mga pinka-delikadong lugar para sa mga mamamahayag ang Pilipinas, habang patuloy ding na tinatarget ang mga aktibista, kritiko at mga human rights defenders na kadalasang biktima din ng red tagging. Gamit ang formula ng ‘War on Drugs’, kabi-kabilang reklamo ng pang-aabuso ang natanggap ng administrasyon sa naging pamamalakad nito sa pagtugon sa problemang idinulot ng COVID-19 na lalong pinalala dahil sa mga alegasyon ng kurapsyon sa panahon ng pandemya.