Inaresto noong 11 Marso 2025 si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC), para sa crime against humanity o krimen laban sa sangkatauhan na pagpatay.
Ilang araw makalipas, inalala ni Maria (hindi niya tunay na pangalan) ang ikawalong anibersaryo ng pagpatay sa kanyang asawa. Isa ang kanyang asawa sa libu-libong pinatay sa “giyera kontra droga” ng administrasyong Duterte. Karamihan sa mga biktima, mula sa mahihirap at isinantabing pamayanan sa bansa.
Sa panayam na ito, ibinabahagi ni Maria ang kanyang nagpapatuloy na pakikipaglaban para sa katotohanan, katarungan at pananagutan kasama ang mga pamilya ng iba pang mga biktima.
2017 nang barilin ang asawa ko, sa paradahan ng dyip sa Caloocan, maraming tao noon. Jeepney driver and asawa ko. Noong huli ko siyang makita, inaabangan niya ‘yung jeep na ibibiyahe niya kinabukasan. Hindi siya nakauwi nang magdamag.
Kinabukasan, sabi ko sa mga anak ko, hahanapin ko ‘yung Papa niyo. Ibinalita na lang sa akin ng mga biyenan ko na binaril pala ‘yung asawa ko noong gabing ‘yun. Riding in tandem.
Sa isang iglap, hindi ko na nakausap man lang yung asawa ko. Sa morgue ko na siya uli nakita. Parang ang simple lang. Inabangan siya sa kalsada, binaril, tapos.
Walang pakikiramay para sa mga biktima ng tokhang
Maraming nakakita pero walang gustong tumestigo. Wala rin namang gustong makipag-usap sa akin. Parang kahit sino na lang, basta lang may mamatay.
Gusto ko rin talagang makapag-kaso. Kaya lang noong mga panahong ‘yun, ang nasa isip ko, magtrabaho agad. Ang naiisip ko lang noon, paano ‘yung mga anak, paano ko sila bubuhayin, ‘yung pag-aaral nila, sino magbabayad ng bahay namin, tubig, kuryente? Paano kami makaka-survive?
Kailangan may tetestigo, ‘di ba? Pero sobrang laki ng takot ng mga tao, na kahit nakaburol na, kahit kapamilya o malapit na kaibigan, hindi sila magpupunta kasi baka madamay sila. Ganun ‘yung naranasan ko sa amin, talagang walang gustong dumamay sa’yo kasi biktima ng tokhang.
Pambu-bully sa kanilang mga anak
Ang hirap ng buhay mula noon. Breadwinner ‘yung asawa ko. Hindi ko rin alam kung saan ako magsisimula, ano’ng gagawin ko. Noong mga panahon na ‘yun, kahit nakaburol pa ‘yung asawa ko, nagtrabaho na ako.
‘Yung mga anak ko noon, binu-bully sa eskwelahan. Iba ‘yung bigat sa akin, kasi iiyak ‘yung anak ko tapos sasabihin, “Mama, si Papa, binaril daw kasi adik. Totoo ba?” Paano ko sasagutin ‘yung ganun?
Sa eskwelahan, isusulat nila na patay na ‘yung tatay nila. Tinatanong ng teacher, anong ikinamatay? Siyempre sasabihin nila, pinatay, hindi siya sakit. Parang iba yung pagtingin ng lipunan sa paraan ng pagkamatay. Laging negative na pagtingin kapag sinabing binaril, natokhang.
Suporta mula sa mga taong-simbahan at abugado
Tumutulong ako sa Rise Up for Life and for Rights sa pag-oorganisa sa mga kasama ko sa community, mga pamilya ng biktima ng “war on drugs”. May mga kaagapay kaming taong simbahan, saka mga abogado mula sa NUPL. Noong una, gusto ko lang na may iba akong pinagkakaabalahan bukod sa kailangan kong magtrabaho. Sumasama lang ako ‘nung una sa mga kumustahan.
Hanggang sa nagkapalagayan na kami ng loob ng mga pamilya, nagshe-sharing na kami ng mga istorya namin. Nagkaroon ng unti-unting tiwala at nagging komportable kami sa isa’t isa. Na may nakikinig sa istorya mo; na ako po namatayan po ako ng asawa, at ‘yung iba naman namatayan ng ama o anak.
Minsan isinasama ko rin ang mga anak ko sa ibang sessions namin para lubos nilang maintindihan, bakit nga ba si Mama wala bukod sa nagtatrabaho? Naipagmamalaki ko sa anak ko na may sinasalihan akong organisasyon na ganito. Gusto kong makila nila kung paano bumabalik ‘yung tiwala ko sa sarili ko.
“Walang dahilan para tumigil ako”
Noong una, pansariling interes lang ‘yung pagsali ko sa Rise Up. Gusto kong linisin ‘yung pangalan ng asawa ko, na wala siyang kasalanan, hindi siya gumagamit o nagbebenta ng droga.
Hanggang sa kalaunan, may mga tanong na. Bakit kailangan siyang patayin pati ‘yung maraming iba pa? Paano yung mga pamilyang naiwan? Kung ganoon man sila kasamang tao o kung totoo man na may ginagawa silang labag sa batas, bakit dapat patayin?
34 years old lang ‘yung asawa ko noong namatay siya, napakadami pa pangarap at pag-asa. Hindi man lang niya nakitang lumaki ‘yung mga anak namin. Kaya sinasabi ko sa sarili ko, walang dahilan para manahimik ako. Walang dahilan para tumigil ako.
Pag-aresto kay Duterte: Dahil ‘yan sa amin
Nasa trabaho ako noon, tagaluto sa isang canteen sa school. ‘Nung narinig ko ‘yung balita, naglululundag ako sa tuwa. As in sumisigaw ako sa kusina, “Yes, yes, yes!” Pagdating ko sa bahay, sinabi ko agad sa mga anak ko, alam niyo na ba ‘yung magandang balita? Sabi ko, buksan niyo ‘yung Facebook niyo, ‘yung cellphone, ‘yung TV. Si Duterte, hinuli. “O kita niyo na,” sabi ko sa mga anak ko, “kaya natin basta sama-sama.”
Hanggang sa nagtawagan na kami ‘nung ibang mga pamilya, nag-agree kami na magtipun-tipon para sa solidarity action. Na-excite ako na makita sila, ‘yung mga kasama ko. Inaresto pa nga lang siya, akala mo panalong-panalo na kami.
Kinongratulate ako ng iba kong kaibigan, na si Duterte hinuli. Sabi ko, dahil ‘yan sa amin, dahil ‘yan sa akin. Kine-claim ko talaga na isa ako sa mga dahilan. Kasi talagang ‘yung hirap ng buhay, ‘yung hirap ng pagsasalita sa kalsada, tapos sasama ka sa mga rally tapos may mga anak at pamilya kang dapat kalingain.
Tapos sobrang dami ng mga interview, pila-pila na sila. Kaya nung ini-interview ako, hindi ko na kayang sabihing masaya ako. Nanghihina ako, kasi maaalala ko na naman ‘yung pinagdaanan ko bago inaresto si Duterte.
Naaawa ako sa sarili ko, parang sumusugal ako sa isang bagay. Gusto kong sabihin, gusto kong maging normal na tao. Hindi ako dapat ganito. Wala ako dapat sa lansangan para magprotesta, wala dapat ako sa telebisyon, wala dapat ako sa mga interview. Hindi ito ang gusto ko.
Pero dahil sa ito ‘yung hinihingi ng pagkakataon, ginawa ko. Tapos maiisip ko ‘yung ibang pamilya. Lumalakas ako kasi naiisip ko, kaya naming kapag sama-sama kami.
Patuloy na kawalan ng katarungan at pananagutan
Gusto kong makilala kami ng ICC at ng buong mundo na kami ay totoong mga tao, totoong mga pamilya ng mga biktima, hindi lang basta datos. At hindi lang din kami basta biktima, kundi nabibiktima pa rin hanggang ngayon ng kawalan ng katotohanan at hustisya, na walang nananagot. Hindi pa rin kami safe, kahit na nagpalit na ng administrasyon,
Gusto ko talagang mapanagot si Duterte at ‘yung iba pa. ‘Pag dumating ‘yun, magkakaroon kami ng pride sa sarili namin, na nagawa namin ito sa kabila ng lahat. Ayaw na naming balikan ‘yung takot.
Gusto rin namin ng proteksyon, sa sarili namin, sa pamilya namin, kasi nga nagsasalita kami. Gusto ko na ‘yung ICC ay pumanig sa katotohanan. Hindi man namin nakamit ang justice dito sa sarili naming bansa, kung sinuman ang makapagbibigay sa’min ng pag-asa, siyempre malaki ang pasasalamat naming.
Lakas at pagkakataong lumaban
Sana ‘yung batas na poprotekta sa mga tulad namin eh totoong protektahan nga kami, hindi ‘yung mismong batas ang magpapahirap at papatay sa mga tao, gaya ng “war on drugs”. Ayaw naming maulit ‘yun sa mga susunod na panahon kasi nga sabi ko, baka wala nang susunod na ako o kami na handang sama-samang tumindig para sa katarungan.
Sa ngayon, may pagkakataon at lakas kami para lumaban. Ginagamit ko ‘yan para ilabas hindi lang ang sarili kong kwento, kundi pati ‘yung kwento ng maraming iba pang mga biktimang naghahanap pa rin ng hustisya.
Bahagyang in-edit and artikulong ito para paikliin at tiyaking malinaw. Mababasa rin ang bersyon nitong isinalin sa Ingles, dito: ‘I have no reason to stay silent’ – relative of ‘war on drugs’ victim tells of fight for justice
Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang mga ulat na ito ng Amnesty International hinggil sa “war on drugs”:


