Press Statement
Bago dumating ang Marso 8, Araw ng Kababaihan, nanawagan ang Amnesty International Philippines (AIPh) sa gobyerno ng Pilipinas ng aksyon upang matigil and karahasan sa paaralan lalo na sa mga batang babaeng estudyante. Ito ay upang maseguro ang karapatan sa edukasyon ng bawat tao, lalo na ang kababaihan na karaniwang biktima ng karahasan.
Ang kahalagahan ng edukasyon at oportunidad na makapag-aral ay isa sa mga pangunahing pinapahalagahan sa kulturang Pilipino. Ito ay tinuturing na kayamanan ng bawat magulang at ang tanging maipapamana sa kanilang mga anak. Para sa nakararami, mahalagang makatapos ng pag-aaral dahil ito ang tangi nilang pag-asa upang makaahon sa hirap.
Dito sa Pilipinas isa ang edukasyon sa mga karapatang hindi lubusang natatamasa ng maraming bata, lalaki man o babae. Bagama’t nakasaad ito sa iba’t-ibang kasunduang pinirmahan ng Pilipinas mula sa Pandaigdig na Pagpapahayag ng mga Karapatan o Universal Declaration on Human Rights (UDHR) hanggang sa Millenium Development Goals, hindi ganap na natutugunan ng pamahalaan ang obligasyon nito sa karapatan sa edukasyon, lalo na para sa kababaihan.
Iniulat ng National Statistical Coordination Board (NSCB) na mas madaming batang babae ang nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral sa mga pampublikong paaralan mula 2003 hanggang 2005. Sa laki ng populasyon ng mga batang babaeng nag-aaral sa Pilipinas, nananatiling palaisipan ang kaligtasan ng mga ito sa loob ng paaralang tinuturing na pangalawa nilang tahanan. Humigit kumulang 6-8 oras ang inilalagi ng isang mag-aaral sa paaralan at sa loob ng mga oras na ito nagaganap ang mga insidente ng mga pang-aabuso sa ibat-ibang paraan – pang-aabusong pisikal, mental o sekswal mula sa kamag-aral, guro o iba pang kawani ng paaralan. Kung nagaganap sa apat na sulok ng silid-aralan o sa loob ng pararalan ang pang-aabuso o karahasan, paano maproprotektahan ang mga babaeng mag-aaral?
Ang Amnesty International (AI) ay naglunsad ng isang proyektong mangangampanya para sa kaligtasan ng mga batang babae sa loob ng paaralan. Sa ulat ng AI noong ika-6 ng Marso na pinamagatang “Safe Schools, Every Girls Right”, nakasaad ang mga rekomendasyon nito sa pamahalaan ng iba’t-ibang bansa. Kinapapalooban ang mga ito ng anim (6) na hakbang upang matiyak na ang mga paaralan ay malaya sa lahat ng uri ng kaharasan laban sa mga batang babae.
Ang 6 na hakbang ng Amnesty International ay ang sumusunod:
- Pagtigil ng lahat ng karahasan laban sa mga batang babaeng mag-aaral. Ipagbawal sa pamamagitan ng batas at polisiya ang lahat ng uri ng karahasan laban sa mga batang babae, kasama ang corporal punishment, pang-aabusong berbal, pisikal, emosyunal at sekswal.
- Gawing ligtas and paaralan para sa mga batang babae. Magsagawa ang pamahalaan ng mga proyektong magtitiyak na ligtas ang lahat ng mga paaralan para sa mga batang babae at magkaroon ng mga pagsasanay sa mga guro ukol sa paglinang ng isang ligtas na paaralan para sa kanilang mga mag-aaral
- Agarang pag-aksyon sa mga insidente ng karahasan laban sa batang babae. Magkaroon ng panuntunan kung paano agarang makatutugon ang mga guro o pinuno ng mga paaralan sa mga insidente ng pang-aabuso at makapagbigay ng sapat na tulong upang masiyasat, makapagsampa ng kaukulang reklamo at paglilitis ng nagkasala.
- Magbigay ng suporta sa batang babae. Kasama dito ang pagtitiyak ng tulong medikal, counseling at pagbibigay ng impormasyon hinggil sa karapatan.
- Tanggalin ang mga hadlang sa pag-aaral ng batang babae. Pagtanggal ng matrikula at iba pang kontribusyon sa paaralang primarya. Seguruhing abot kaya ang high school at kolehiyo para sa mahihirap.
- Bigyan ng proteksyon ang mga batang babae sa pang–aabuso. Magbuo ng mga codes of conduct para sa mga estudyante at kawani ng paaralan.
Nakipag-dayalogo rin ang AI Philippines sa mga opisyales ng Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Commission on the Role of Filipino Women (NCRFW) upang malaman ang tugon ng mga ahensiyang ito sa mga nasabing rekomendasyon. Positibo ang naging bunga ng pag-uusap at nakiisa ang mga nasabing kagawaran sa layunin ng AI na pagtibayin ang kaligtasan ng mga paaralan sa Pilipinas para sa kapakanan ng lahat ng mag-aaral lalo na ng mga batang babae.
Ang simulaing ito ng AI ay magpapatuloy hanggang tuluyang pagtibayin ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas pati na ang lahat ng paaralan ang mga hakbangin upang matiyak ang kaligtasan ng mga batang babae sa loob ng paaralan.
Patuloy ang Amnesty International na magsisilbing daan upang magkaroon ng pagkakataon ang lahat na magtamasa ng mga karapatan lalo na sa ika-60 taong anibersaryo ng UDHR. At para sa buwan ng Kababaihan sinimulan ang proyektong Safe Schools upang makamit ng mga batang babae ang kaligtasan sa loob ng paaralan, isang bagay na mahalaga upang sila ay makapamuhay ng matiwasay at lumaki ng may dignidad.