
Salvador Biglaen – tubong Malilipot, Albay. Karpintero, guro, medical coder, at kahu (tagapagpalayaw ng 17 aso).
Isa sa pinakamatingkad na alaala ko no’ng bata ay ang community viewing ng The Ten Commandments tuwing Mahal na Araw. Kapanahunan ng betamax at required kaming mga bata na makisali sa trip ng matatanda. Siksikan kami sa sala ng tiyuhin ko. Tumatak nang husto sa isip ko ang eksenang nag-concede ng pagkatalo si Kalbo (di ko pa alam noon na siya si Ramses) dahil namatayan ng anak, sabay sabing His God is God. Sa murang isip ko, lahat ng Egyptian, masama. Saka ko na lang maiisip: ano naman ang kinalaman ng mga panganay na Egyptian sa paghihirap ng mga Hudyo? Dahil ba malaki ang potential nilang pumatay ng mga Israelita paglaon?
Kung tutuusin, ganito rin ang likaw ng pag-iisip ng mga maka-Tokhang. Basta adik, dapat puksain dahil kawawa naman ang mga mabibiktima paglaon.
Nagkataon ding gumagawa na ako ngayon ng mga hamba ng pinto sa bahay. At di ko sukat akalaing ang karaniwang estruktura na napapansin lamang pag inanay na ay lunan din ng mga kahindik-hindik na trahedya.

