
Si Mesándel Virtusio Arguelles ay nagtuturo ng mga kurso sa panitikan at malikhaing pagsulat sa De La Salle University sa Maynila. Editor, tagasalin, at awtor siya ng higit 30 aklat ng tula, sanaysay, nobela, at maikling kuwentong pambata.
Ang dalawang tula, “Sonetong Walang Mga Kuwarteto (Drug War),” ay kabilang sa tomo 4, Anyo ng Kalatagan (De La Salle University Publishing House, 2025), ng septolohiyang Sonetoismo. Ang proyekto ay serye ng pitong tomo at katuwang na monograpo (“Not the Stuff of Sonnets”: Ilang Talâ sa Sonetoismo) na naglalaman ng 366 na kontemporanyong soneto at nakatali sa aking praktika ng konseptuwal na pagsulat at apropriyasyon. Isinusulong sa Sonetoismo ang pormal na imbestigasyon at interogasyon ng anyo sa pamamagitan ng lingguwistikong inobasyon at pagpapakita o pagpapamalay ng proseso ng pagbubuo-pagbabaklas ng mga soneto. Binibigyang diin ang tula bilang proseso at ang anyo hindi lang bilang hubog kundi, ang mas mahalaga, bilang puwersa at politika.

