
Si Hezekiah Louie Zaraspe ay kasalukuyang nagtuturo sa Departamento ng Malikhaing Pagsulat, Fakultad ng Sining at Panitik, Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Nagtuturo din siya ng panitikan sa Pamantasang De La Salle (DLSU). Nagtapos siya ng MA Malikhaing Pagsulat mula sa UST. Mababasa siya sa Philippines Graphic Reader, Ultramarine Review, Liwayway Magazine, Inquirer.net, Rappler, Luntian: Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (PSLLF), Locked Down, Lit Up: An Anthology of Creative Work in a Time of Quarantine (UP Press), Agwat-Hilom Book 2 (NCCA), Takos 3 (NEUST), Ani 42 (CCP) at iba pa. Naging fellow siya sa 2022 UST National Writers’ Workshop. Siya ang may-akda ng Tikim: Stories (8Letters).
Kung susundin ang mga ideya’t konsepto ni Doreen G. Fernandez, wala nang ibang paraan para malasap ang kulturang Filipino kundi sa pamamagitan ng pagkain. Si Carmen Guerrero Nakpil naman ay naniniwalang kayang sakupin ng kolonyalismo at orientalismo ang kamalayang Filipino, ngunit hindi kayang gawin ang pareho sa kanyang tiyan. Maaaring ito na ang pagkakataon ng mga manunulat na pagnilayan ang pagpasok sa eksena ng humba sa usaping Dutertismo, at heto na nga ang isang pagtatangka para matikman ang isang bahagi ng Dutertismong nakarating na rin sa Olanda.

