
“Kim Pillo“
Napili bilang fellow sa University of Santo Tomas (UST) National Writers’ Workshop noong 2022 at naging opisyal na kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ng parehong taon.
Nagwagi siya ng Unang Gantimpala sa kategoryang Sanaysay ng 71st Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2023.
Sa kasalukuyan, siya ay kumukuha ng Doctor of Philosophy sa Filipino na may espesyalisasyon sa Pagsasalin sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman, habang naglilingkod bilang Assistant Professor sa Iloilo State University of Fisheries Science and Technology–Tiwi Site.
Ang tulang S(aint) ay hinango sa mga umiiral na realidad ng karahasan at pagkukunwari sa lipunan, partikular sa konteksto ng kampanya laban sa ilegal na droga/ extrajudicial killings.
Naging inspirasyon ko ang katauhan ni Kapitan Tiyago sa nobelang Noli Me Tangere na maituturing na banal ngunit gumagamit ng opyo; at ang mga kasalukuyang balitang naglalarawan ng biglaang pagpaslang, paglalagay ng paratang nang walang sapat na proseso, at ang katahimikang bumabalot sa mga lokal na komunidad na pinaghaharian ng takot. Sa pamamagitan ng karakter ng kapitan, nais kong ilantad ang ironiya ng isang taong may relihiyosong imahen ngunit nasasangkot sa kasalanan—isang repleksyon ng mas malawak na suliranin ng kapangyarihan at pagkukunwari. Panlilinlang na matagal nang suliranin at sanhi ng pagkakasakit at pagkakalugmok ng bayan. Sa huli, ang tula ay may pagtatangkang magtanong: sino ang tunay na banal, at sino ang hinuhusgahan lamang ng isang madugong naratibo?

