Solidarity Statement for Pride Month
Sa pagdiriwang ng Pride Month, nakikiisang muli ang Amnesty International Philippines sa pagpupugay sa tapang, tatag, at talino ng bawat indibidwal na bahagi ng makulay at mapagmahal na komunidad ng LGBTI.
Kasabay ng pagdiriwang na ito, patuloy na kinikilala ng Amnesty International ang lahat ng uri ng karanasan na kinakatawan ng LGBTI community, at ang kanilang masigasig na protesta laban sa diskriminasyon, korapsyon, at iba pang uri ng paglabag sa karapatang pantao. Nanatiling mahalaga ang laban ng LGBTI para sa makatarungang pagkakapantay-pantay ng dignidad at karapatan para sa lahat.
Ang pagkilos laban sa pang-aapi at karahasan na kinakaharap ng LGBTI community ay nananatiling maalab sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ang diskriminasyon batay sa pagkakakilanlan at pakikipag-relasyon ay nanatiling pangunahing dahilan sa patuloy na pangungutya, panliligalig, at di-patas na pagtrato sa kanila, mula sa pamilya, paaralan o trabaho, hanggang sa mga pasilidad pangkalusugan at iba pang batayang serbisyo. Marami pa ding LGBTQI ang napagkakaitan ng pagkakataon at proteksyon base sa kanilang SOGIESC na lalo’t higit na nararanasan ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Mahigit dalawang dekada nang ipinaglalaban ang mga panukalang batas para sa Comprehensive Anti-Discrimination at SOGIE Equality. Mahalagang hakbang ang pagsasabatas ng mga usaping ito upang matiyak na ang bawat Pilipino, anuman ang kanilang pagkakakilanlan, ay nakakatanggap ng pantay na proteksyon ayon sa batas laban sa diskriminasyon mula sa anumang institusyon. Hindi dapat ipinagpapaliban ang pagpasa ng mga panukalang batas na nagbibigay kalayaan at karapatan sa mga LGBTI na mamuhay ng walang takot at pangamba. Hindi din dapat naisasantabi ang mga boses ng mga kumakatawan sa LGBTI community pagdating sa mga diskurso tungkol sa mga polisiyang direktang naka-aapekto sa kanilang estado at pamumuhay.
Dagdag dito, nakikiisa rin ang Amnesty International Philippines sa pagsusulong ng isang Legal Gender Recognition bill sa Kongreso. Maraming transgender ang patuloy na gumagamit ng mga legal na dokumentong hindi tugma sa kanilang pagkakakilanlan, na nagdudulot madalas ng panghuhusga mula sa lipunan, at balakid upang sila ay mamuhay nang payapa at may dignidad. Ang legal na pagkilala sa kasarian ay hindi lamang usaping dokumento, ito ay usapin din ng kaligtasan. Nararapat lamang na magkaroon ng malinaw na proseso para dito at nang hindi patuloy maging hadlang ang sariling pagkakakilanlan sa kasarian sa pagtanggap at paggalang na dapat nilang matamasa sa komunidad na ating ginagalawan.
Ngayong Pride Month 2026 at sa araw-araw, naninindigan ang Amnesty International Philippines sa pagkilala sa dignidad at pagkatao ng isang indibidwal na bahagi ng komunidad ng LGBTI. Ang sariling pagkakakilanlan ay hindi pribilehiyong para lamang sa iilan, ito ay karapatan ng lahat.

