Hindi katahimikan ang sagot sa kagutuman

Pahayag ng Pakikiisa ngayong Mayo 1, Ika-144 Pandaigdigang Araw ng Paggawa

Ngayong Mayo Uno, buong tatag na nakikiisa ang Amnesty International Philippines sa lahat ng mga uring manggagawa sa buong mundo. Sa gitna ng tumitinding krisis sa langis na lalong nagpapahirap sa sambayanan, matinding hamon ang sinusuong ng mga manggagawang nananatiling sumasahod nang kakarampot. 

Kasabay ng krisis ay ang pagtaas ng mga presyo ng pangunahing bilihin, pamasahe at mga batayang serbisyo. Habang patuloy itong tumataas, nananatiling nakapako sa minimum wage ang pang-arawang sahod, habang laganap pa rin ang kontraktwalisasyon at kakulangan ng benepisyo at seguridad sa trabaho.

Ang kakulangan sa disente at nakabubuhay na kita ay tahasang pagkakait ng karapatang mabuhay nang may dignidad sa maraming pamilyang Pilipino.  Pinakamatindi ring apektado ng anumang krisis ay ang mga magsasaka, mangingisda, mga manggagawang nasa impormal na sektor kasama ang mga kasambahay o indibidwal na naggugugol ng lakas at panahon sa gawaing domestiko.

Maliban dito, dumaranas din ng red-tagging at pananakot ang sinumang nangangahas mag-organisa at magtayo ng unyon. Sa halip na pakinggan ang kanilang mga hinaing, ang tanging tugon na kanilang natatanggap ay karahasan at banta ng pag-aresto. Ito ay malinaw na pagsupil ng lehitimong protesta at malayang pagpapahayag ng hinaing at pananaw. 

Hindi rin maaaring paghiwalayin ang danas na krisis ng mga manggagawa sa kanilang karapatang magprotesta. Ang mga kilos-protestang inilulunsad ng mga manggagawa ay bunga ng matagal nang paglabag sa kanilang mga karapatang pang-ekonomiya at panlipunan. Ang bawat plakard na kanilang itinataas ay naglalaman ng ilang dekada na nilang pinapanawagan at ang kanilang sigaw sa lansangan ay ang pag-alingawngaw ng kabiguang mapakinggan ang kanilang mga hinaing at kahilingan. Kaya naman, ang patuloy na paglabag sa mga karapatang sibil at pulitikal ng mga manggagawa ay sumasalamin sa mas malalim na kabiguan ng estado na pangalagaan ang mga marhinalisadong sektor ng ating lipunan. Samakatuwid, maituturing na isang hakbang paatras ang patuloy na panunupil ng estado sa mga kilusang nagsusulong ng mga karapatang ito. 

Ang Amnesty International Philippines ay nananatiling nagmamasid. Sa pakikibahagi sa mga protestang bayan sa araw na ito at sa mga susunod pang araw sa pamamagitan ng Human Rights Observation Program, tinitiyak na hindi mawawala ang kwento ng protesta, at mananagot ang sinumang yuyurak sa karapatang magprotesta.

Bagama’t hindi na sana dapat binabantayan pa ang mga karapatang ito, kasama ang karapatan sa paggawa, magpapatuloy ang kanilang pakikibaka hangga’t may kakulangan sa mga polisiya na nagproproteka sa kapakanan ng mga manggagawa. At hanggang walang matibay na pangangalaga at proteksyon, mananatili kaming nakatugon at nagbabantay. 

Isang maalab na araw ng paggawa! Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!