Solidarity Statement for the 40th Anniversary of EDSA People Power Revolution
Nakikiisa ang Amnesty International Philippines sa pag-gunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution bilang isa sa pinaka-makasaysayang sandali na nagpatunay sa likas na kapangyarihan ng masang Filipino sa pinakita nitong pagkilos at pagkakaisa sa buong mundo.
Makalipas ng apat na dekada, patuloy na ipinamamalas ang pagiging kritikal ng mamayang Filipino sa kabila ng panunupil, pananamantala, at takot na iniwan ng mga nagdaang administrasyon. Mula komunidad hanggang pambansang pagkilos, lumikha ng pagbabago ang mga grupo ng mga ordinaryong mamayan sa pamamagitan ng pagtindig para sa katotohanan laban sa kasinungalingan, at pananagutan laban sa paglabag sa karapatang pantao. And diwa ng EDSA ay magsisilbing paalala ng lakas ng masa.
Nanatiling mabigat ang hamon sa atin ngayon sa gitna ng patuloy na katiwalian sa gobyerno mula sa pinakamataas na pwesto hanggang sa pinakamalapit sa publiko. Nalilihis ang kaban ng bayan mula sa sapat at karapat-dapat na serbisyong panlipunan patungo sa mga bulsa ng kurakot at gahaman. Dahil dito, lumalalim ang kahirapan at diskriminasyon na dumadagdag sa suliranin ng karaniwang Filipino. Pinagkakaitan ang milyun-milyong mamamayan ng disenteng kabuhayan, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan, mga bagay na payak upang mabuhay ng may dignidad.
Kaya’t higit na mahalaga ngayon ang pagpapalakas ng ating mga kolektibo, dahil gustuhin man natin ay hindi kusang dumadating ang pagbabago – ito ay inihahanda, ipinaglalaban, at tinitiyak. Ang pag-oorganisa sa hanay ng mga ordinaryong mamamayan ay magpapanatili na buhay ang diwa ng EDSA.
Kaya’t higit na mahalaga ngayon ang pagpapalakas ng ating mga kolektibo, dahil gustuhin man natin ay hindi kusang dumadating ang pagbabago – ito ay inihahanda, ipinaglalaban, at tinitiyak. Ang pag-oorganisa sa hanay ng mga ordinaryong mamamayan ay magpapanatili na buhay ang diwa ng EDSA. Para sa makatotohanang seguridad na batay sa hustisya, hindi diktadurya, panatilihin ang pagmamasid at kritikal na diskurso, kumilos naaayon sa kalinisan ng loob para sa kapwa, para sa karapatan ng lahat.
Ikaw ang tanglaw.


