Dalawang taon mula nang unang nakipag-ugnayan ang Manobo-Pulangiyon sa Amnesty International Philippines para sa kanilang pakikibaka laban sa isang malaking korporasyon ng pinya na siyang nanghimasok sa kanilang Lupaing Ninuno, at matapos ang pagtitiis sa loob ng mahigit tatlong dekada ang 1,490 pamilyang nawalan ng maayos na tahanan at kabuhayan, napag-desisyunan ng tribong bawiin na ang nararapat na sa kanila.
Bilang bahagi ng suporta ng Amnesty International Philippines, mula sa mga naunang pagpapadaloy ng mga pagsasanay sa karapatang pantao hanggang sa pagbibigay ng tulong upang maipabatid sa pamahalaan ang kanilang hinaing, nagpadala ang Amnesty ng mga Human Rights Observers (HRO) sa kasalukuyang isinasagawang mapayapang protesta ng MP1490 sa Bukidnon.
Sakop ng karapatan sa malayang protesta ang pagsasagawa ng mapayapang aksyon ng MP1490. Ang protestang ito ay inilunsad mula sa kawalan ng pansin sa kanilang mga inilapit na problema sa lokal na pamahalaan hanggang sa mga pambansang ahensiya sa loob ng mahabang panahon. Masigasig na nakipag-ugnayan ang MP1490 sa lahat ng ahensiyang inakalang makapagbibigay ng tulong upang mabawi ang kanilang Lupaing Ninuno. Hanggang sa huli, sila ay binigo.
Ang protestang ito ay inilunsad mula sa kawalan ng pansin sa kanilang mga inilapit na problema sa lokal na pamahalaan hanggang sa mga pambansang ahensiya sa loob ng mahabang panahon.
Ang mga tinalagang Amnesty HRO ay nangunguna sa hanay ng mga taga-suporta at naka-antabay sa mismong ginaganapan ng protesta para sa anumang pangyayaring bunsod ng muling pag-okupa sa isang bahagi ng kanilang Lupaing Ninuno. Walang puwang ang anumang marahas na pamamaraan mula sa mga sangkot sa isinasagawang aksyon, lalo na ng bantang karahasan mula sa mga pribadong aramdong grupo na siyang nagbabantay sa palibot ng binakurang lupa.
Patuloy ang pag-dokumento sa pamamagitan ng larawan, video, at panulat ng mga Amnesty HRO sa paligid ng lugar kung saan nagsasagawa ng serye ng pulong at mga negosasyon ang mga lider ng MP1490 at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), kasama ang Commission on Human Rights (CHR).
Kapansin-pansin ang presensya ng mga kapulisan, ngunit napag-alaman na hinaharang ang supply ng tubig, pagkain, at iba pang pangangailangan patungo sa bulto ng MP1490. Gayundin ang nauna nang naiulat na pag-harang ng mga kinatawan ng simbahan sa ilalim ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Muling ipinapaalala ng Amnesty International Philippines na ang kapulisan ay tagapagpadaloy ng maayos na protesta, hindi sila dapat nangunguna sa pag-demonisa sa mga nakikibahagi dito. Ang pagpapatupad ng kapulisan sa kanilang tungkulin ay malinaw na nakasaad sa Philippine National Police (PNP) Handbook Rule 25 kung saan kasama ang mga hakbang sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga pampublikong protesta. Ang protestang ng MP1490 ay matiwasay na isinagawa, walang dahilan upang harangin, sa halip na maayos na siyasatin lamang, ang mga supply o mga kasapi ng mga grupong taga-suportang dumadaan sa mga checkpoints.
Kailangan ding pumagitna ng lokal na pamahalaan sa usaping ito sa paraang walang kinikilingan at may malasakit sa naging pakikibaka ng MP1490. Kasabay ng patuloy na pagprotesta para sa kanilang lupa, patuloy na magmamasid ang Amnesty HRO.
Kung nais ng iba pang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Amnesty International Philippines sa email: [email protected].
Para sa karagdagang konteksto, pakinggan at basahin dito #KwentongTibak ni Bae Theresa ng MP1490.