MUSIKERO, ARTISTA, ATLETA PARA SA DIGNIDAD AT KARAPATAN

Inilunsad ngayon ng Amnesty International Philippines Section (AIPH) ang kanilang mga aktibidades para sa Human Rights Week sa taong 2007.

“Sinubukang pagsama-samahin ng Amnesty International Philippines Section ang mga artista, musikero at atleta upang makipagtulungan sa aming mga adhikain para sa isang mundo kung saan ang lahat ay nagtatamasa ng karapatan sa kabuuan nito.” Ani Wilnor Papa, Campaign Coordinator ng AIPH.

Sa isang press conference, sama-samang nagpamalas ng pagsuporta ang mga musikero at artista kasama ng mga batang atleta upang nanawagan na wakasan ang mga paglapastangan sa karapatang pantao. Si Ronnie Quizon ng grupong Makatha at isang aktibista para sa karapatang pantao ay nagbigay din ng kanyang pagsuporta sa AIPH.

“Narito kami para suportahan ang AI Philippines upang pigilan ang mga paglabag sa karapatan na nagdudulot ng diskriminasyon ng mga pinaka-naaaping sektor ng lipunan. Nakikiisa kaming mga  musikero sa pagtatanggol ng dignidad ng lahat ng tao na siyang saligan ng mga karapatan.” Sabi ni Quizon.

Isa sa mga kampanya ng AI sa hinaharap ay patungkol sa mga karapatang pang-ekonomiko, panlipunan at pang-kultura. Kasama ng AIPH ang mga artista at atleta sa panawagan nila para sa isang mundong malaya sa kahirapan, takot at kakulangan.

“Malaking krisis ang pagkakaroon ngayon ng mahigit isang bilyong kataong nabubuhay sa matinding kahirapan, isa itong karumal-dumal na paglabag ng karapatang pantao. Ang kahirapan ay hindi lamang tungkol sa kakulangan sa kinikita ng mga mahihirap upang matustusan ang kanilang sarili. Ito ay ang pagkakakait sa kanila ng mga pagkukunan ng kapasidad upang makapamuhay ng disente at may dignidad.” Susog ni Noel Cabangon, kilalang musikero at aktibista.

Pinatingkad ng AI ang pagkakapantay-pantay ng mga karapatang pang-sibil, pampulitika, pang-ekonomiko, panlipunan at pangkultura. Ang karapatan sa pagkain, maayos na serbisyong pang-kalusugan at malinis na tubig ay sing-halaga ng karapatang magpahayag ng pananaw o ng karapatan sa isang makatarungang paglilitis. Ayon sa Pandaigdig na Pagpapahayag ng mga Karapatang Pantao (o UDHR) ang lahat ng karapatan ay pandaigdigan, pantay-pantay at hindi maaring paghiwa-hiwalayin. At kinakailangang matamasa ng lahat ng tao ang bawat karapatang nasasaad dito.

“Hindi dapat ginagawang dahilan ng kahirapan ang kakulangan sa pagkukunan ng ikabubuhay. Diskrimasyon at pagsasawalang-bahala ang sanhi ng kahirapan. Nakaranas na ako ng diskriminasyon at mahirap malampasan ang sitwasyong ito, lalo pa’t wala namang nangangalaga sa kapakanan ko. Paano pa ang mga mahihirap na ni hindi man lamang nakapag-aral o natutong bumasa at walang kakayanang tulungan ang kanilang mga sarili. Nais ng AIPH na mabago ito kaya kami nangangampanya at nagtuturo tungkol sa mga karapatan.” Dagdag ni Papa.

Inilunsad din ng AIPH ang mga materyales pangkampanya na isinalin sa Tagalog. Makakatulong ito sa mga artista, musikero at atleta sa pangangampanya nila para sa karapatang pantao. Sa mga materyales nakasaad ang mga layunin ng AI sa kampanya nito para sa dignidad ng tao. Nanawagan ito ng pananagutan para sa lahat ng may-sala at lumalabag sa mga karapatan na malaki ang epekto sa karamihan lalo na sa mga mahihirap. Kasama din sa panawagan ang pantay-pantay na pagbibigay ng mga pagkukunan ng ikakabubuhay ng lahat ng tao at ang pagbibigay kapasidad sa pinaka-naaaping sektor – mga mahirap, kababaihan at katutubo.

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa maraming tao, mas napapalakas ng AIPH ang kampanya upang ipagtanggol ang dignidad ng lahat ng tao. Tinutulungan din ako ng AIPH upang makatulong sa iba. At kahit estudyante, maaring makatulong sa pangangalaga ng karapatang pantao.” Ani Mary Ann Gomez, isang dalagang siklista. “Alay dapat sa aming mga kabataan ang pangako ng isang kinabukasan na may paggalang, pagtataguyod at pangangalaga sa lahat mga karapatang pantao.” Pagtatapos ni Daniella Santos, ang pinakabatang kasapi ng grupo.